Handa ang Department of Labor and Employment o DOLE na magbigay ng temporary employment sa mga manggagawang maapektuhan sa pansamantalang pagsasara ng Boracay Island.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, tutulong ang naturang mga manggagawa sa gagawing clean-up sa isla kapalit nito ay babayaran ang kanilang serbisyo.
Bukod sa pagbibigay ng trabaho, magbibigay din ang DOLE ng livelihood assistance sa mga nagnanais na magkaroon ng ibang pagkakakitaan habang nililinis pa ang isla.
Samantala, inihirit ng Malacañang sa tatlong ahensya ng gobyerno na nagrekomendang isara ang Boracay Island na dagdagan pa ang kanilang paliwanag sa kanilang naging rekomendasyon.
Matatandaang nagkaisa ang Department of Natural Resources, Department of Tourism at Department of Interior and Local Government na isulong ang anim na buwang pagpapasara ng naturang isla.
Ayon kay Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, hiniling ng tanggapan ng Pangulo na magpadala ng mas detalyadong plano, pagpapaliwanag at rekomendasyon ang naturang mga ahensya.
Aniya, ang isyu sa Boracay ang pangunahing prioridad ng administrasyon ngayong linggong ito.
Bukod sa environmental issue, kabilang din sa isinasaalang-alang ay ang economic impact nito sa buong isla, mga tao at negosyo.
Kaugnay nito, ikinokonsidera rin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) na maging gawing baha-bahagi lamang ang pagpapasara sa isla upang mabawasan ang impact nito sa mga negosyo at trabaho.
—-