Tiniyak ng Malacañang ang kahandaan ng pamahalaan para bigyang ayuda ang mga Pilipinong maaapektuhan ng nakamamatay na sakit na Middle East Respiratory Syndrome – Corona Virus o MERS CoV.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, sa katunayan aniya ay nagpadala na ang Department of Health ng isang team sa Middle East.
Layunin aniya nitong tulungan ang Department of Foreign Affairs na hanapin ang mga Pinoy sa Saudi Arabia at bigyan ng atensyong medikal at nararapat na tulong.
Ginawa ni Coloma ang pahayag kasunod ng balitang may isang Pilipino ang kumpirmadong nagtataglay ng sakit na MERS sa Saudi Arabia.
Kasunod nito, muling nanawagan ang Palasyo sa mga Pinoy na nasa ibayong dagat na apektado ng MERS-CoV na sundin ang mga panuntunan para makaiwas sa sakit.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)