Sinusuportahan ng bagong datos na gamitin ang bakunang AztraZeneca bilang 3rd dose o booster shot laban sa COVID-19.
Ayon sa pagsusuri, ang nasabing bakuna ay nagpapataas ng immune response o panlaban ng katawan sa Beta, Delta, Alpha at Gamma variants ng Sars-Coronavirus 2.
Lumabas din sa isang trial na tumaas ang tugon ng antibody laban sa Omicron variant matapos mabakunahan ng booster o 3rd dose ng AztraZeneca, kung saan ito ay naobserbahan sa mga indibidwal na nabakunahan ng primary dose ng Moderna at AztraZeneca.
Maliban dito, napataas din ng nabanggit na bakuna ang antibody ng mga nakatanggap ng una at 2nd dose ng Sinovac batay sa hiwalay na phase iv trial na nakalathala sa The Lancet.
Ang datos na ito ay mula sa patuloy na pag-aaral na sumusuporta sa pag-gamit ng bakunang AztraZeneca anuman ang brand na natanggap na primary dose.
Kaugnay nito, sinabi ni DOST Adult Infectious Disease Expert at Vaccine Expert Panel Dr. Rontgene Solante na may mga pag-aaral din na maganda ang proteksyon na maihahatid ng naturang bakuna kung kaya’y ito’y dapat ding gamitin.
Samantala, ang karagdagang datos na ito ay isinusumite sa mga kagawaran ng kalusugan sa buong mundo dahil sa agarang pangangailangan para sa 3rd dose o booster shot.