Nitong mga nakaraang araw, nakaranas ng matinding pag-ulan ang bansa dahil sa bagyong Enteng.
Sa kasagsagan ng bagyo, natagpuan ni Jane Francisco Aquino mula sa Marilao, Bulacan ang isang asong basang-basa habang nakatali sa labas ng gate ng isang bahay. Makikitang payat at nanginginig ang aso.
Sa awa, sinubukan ni Jane na kausapin ang may-ari ng aso, ngunit walang sumasagot sa kanya. Dahil dito, napagdesisyunan ng babae na iuwi na lamang ito. Mapapansing masayang sumama sa kanya ang aso.
Pagkauwi sa kanyang bahay, agad na niyang binigyan ang aso ng pagkain at kumportableng mahihigaan.
Ibinahagi ni Jane na nag-message sa kanya ang may-ari ng aso upang kunin ito. Aniya, wala namang problema kung kukunin ang aso basta’t hindi na mauulit ang pangyayari.
Ngunit ayon sa kanyang updated post, hindi niya binalik ang aso na pinangalanan niyang Ulan.
Dahil panahon na ng tag-ulan, hinikayat ng ilang animal welfare organizations ang publiko na isaalang-alang ang kaligtasan ng mga hayop, kabilang ang pagbibigay sa mga ligaw na hayop ng pansamantalang masisilungan at pagsama sa kanila kung kinakailangang lumikas sa lugar.
Responsibilidad nating protektahan ang mga hayop laban sa peligro. Sana’y mas dumami pa ang mga tao na katulad ni Jane na hindi nagdadalawang-isip na sumagip ng mga inosenteng buhay.