Labis na kalungkutan ang naramdaman ng isang nursing student mula sa Naga City, Camarines Sur matapos pumanaw ang isang lalaki na sinubukan niyang sagipin habang nananalasa ang bagyong Enteng.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Zain Cortez, 18-anyos, ang ulat tungkol kay Juancho, 57-anyos, na binawian ng buhay matapos makuryente sa gitna ng baha.
Pauwi na si Cortez mula sa kanyang duty nang madatnan niyang nagkakagulo ang mga tao sa gitna ng baha. Dito niya natagpuan ang isang walang malay na lalaki na nakahiga sa isang styrofoam.
Dahil sa awa, sinubukan niyang isalba ang buhay ng lalaki sa pamamagitan ng pagsasagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR). Nais man nilang humingi ng tulong, hindi naman makadaan ang ambulansya o kahit anong sasakyan na mabilis na magdadala sa lalaki sa ospital dahil sa baha.
Habang ginagawa ang CPR, hindi mapigilan ng nursing student na manginig at mapadasal dahil sa takot na baka huli na ang lahat.
Ayon kay Cortez, bagamat sinasabihan na siya ng ibang tao na tumigil na, hindi niya kayang sumuko, lalo na’t nakita niya ang pamilya ng lalaki na nais makaligtas ang kanilang ama.
Ngunit sa kalaunan, napagtanto niyang wala na talaga siyang magagawa sa kabila ng kanyang pagsisikap, dahil tuluyan nang nasawi ang lalaki.
Bilang first aider at nursing student, masakit para kay Cortez ang pangyayari. Paalala niya, hindi lamang kasanayan ang pag-alam sa basic life support, kundi isang responsibilidad dahil maaaring mangyari ang krisis anumang oras at kahit saan, nang walang abiso.