Naputol ang kanang braso ng isang babae matapos mahulog sa platform ng Ayala Station – Northbound ng MRT-3.
Kinilala ang biktima na si Angeline Fernando, 24 – anyos, na nakatira sa Pasay City.
Ayon kay Raffy Robles, supervisor ng MRT Ayala Station, nangyari ang insidente kaninang 2:35 ng hapon.
Nakita aniya nila sa CCTV na nahilo si Fernando at nalaglag sa tapat ng coupler o sa pagitan ng dalawang bagon.
Paglilinaw naman ni Robles, hindi naitulak si Fernando ng kapwa pasahero dahil kakaunti lamang ang mga pasahero nang maganap ang insidente.
Samantala, kasalukuyan nang ginagamot si Fernando sa Makati Medical Center ayon sa Department of Transportation o DOTr.