Isang 22 anyos na babae ang patay matapos paghahampasin ng kawayan at kahoy sa ulo ng kanyang 14 anyos na kapatid na lalaki sa bayan ng Banga, Aklan.
Ayon kay Banga Police Chief, Senior Insp. Joey Delos Santos, nagkaroon umano ng argumento ang mag-‘ate’ dahil tumanggi ang biktima na papasukin ang kapatid nito sa kanilang bahay.
Ang biktima anya ang pinaka-matanda sa apat (4) na magkakapatid at isang rape victim na nakaranas ng depresyon.
Isinugod naman sa Doctor Rafael Tumbukon Memorial Hospital sa Kalibo ang dalaga kung saan ito binawian ng buhay dahil sa matinding tama sa ulo at iba’t ibang sugat sa katawan.
Samantala, aminado naman ang batang suspek na hindi niya intensyon na patayin ang kanyang ate.
Isinailalim na sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office ang binatilyo lalo’t hindi pa ito maaaring kasuhan sa ilalim ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
By Drew Nacino