Isang babae ang patay makaraang sakalin gamit ang cord ng cellphone charger sa Vigan City, Ilocos Sur.
Kinilala ang biktimang si Jessa Arola, 25 anyos, residente ng Bayan ng Banayoyo habang suspek sa krimen ang dati nitong nobyong si Dennis Raquel Junior, 27 anyos.
Ayon kay Vigan City Police OIC, Lt. Col. Franklin Ortiz, nakita ang bangkay ni Arola sa inuupahan nitong bahay sa Barangay Tamag kung saan inabutan din si Raquel.
Isinumbong ang suspek ng nakababata nitong kapatid na kanyang tinawagan at pinagsabihan ng nagawang krimen.
Nagkaroon anya ng pagtatalo ang dating magkasintahan hanggang sa mauwi sa pananakal umano ni Raquel kay Arola gamit ang cord ng cellphone charger.
Bago ang krimen ay nabanggit umano ng biktima sa kaibigang si Leila Bilgera, na naghahanap ng extrang padlock si Arola para sa kaniyang kuwarto at inamin din nito ang problema sa nobyo.
Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang krimen habang nakapiit na ang suspek sa Vigan City Police.