Isang babae ang natagpuang patay makaraang sakalin gamit ang cord ng cellphone charger sa San Miguel, Bulacan.
Hinihinalang ginahasa rin ang biktimang si Regine Sebastian, 30 anyos, na negosyante at single mom dahil wala itong underwear at puno ng pasa ang katawan nang madiskubre sa kanyang bahay.
Suspek sa krimen ang dating boyfriend ng biktimang si alyas Popoy habang witness ang 10 taong gulang na anak ni sebastian.
Ayon kay Col. Jordan Santiago, hepe ng San Miguel Police, nadiskubre nila sa cellphone ng suspek ang pagkakasunod ng kaganapan, chat maging ang mga larawan.
Nakunan din sa CCTV ang pagpasok at paglabas ng suspek sa bahay ng biktima.
Naaresto naman ang suspek at nahaharap na sa kasong murder.
Samantala, hinihintay na ang resulta ng tests upang mabatid kung hinalay ang biktima habang inaalam na kung ninakawan din ito lalo’t nawawala ang nasa 350,000 pesos na halaga ng kanyang alahas.