Patay ang isang 48-anyos na babae sa Daet, Camarines Norte matapos umanong siyang balibagin ng kanyang mister.
Ayon sa awtoridad, naganap umano ang insidente sa labas ng isang Garbage Hauling Facility sa Barangay Dogongan kung saan parehong nagtatrabaho ang biktima at ang kanyang 46-anyos na asawa bilang mga basurero.
Sa salaysay ng isang saksi, nag-away ang mag-asawa bago umano binuhat ng mister ang kanyang misis at binalibag, dahilan para tumama ang ulo nito sa lupa. Nagresulta ito sa matinding pinsala sa ulo.
Itinanggi naman ng asawa ang mga akusasyon.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong parricide.