Ayon sa mga eksperto, tatagal ng walo hanggang 21 na araw ang isang tao nang hindi kumakain; habang tatlong araw lamang nang walang tubig.
Ngunit ang babaeng ito mula sa Ethiopia, sinasabing 16 na taon na siyang hindi kumakain o umiinom!
Siya si Muluwork Ambaw, 26-anyos.
Ayon kay Muluwork, 10 taong gulang siya nang mawalan na lamang bigla ng ganang kumain. Mula noon, hindi na raw siya kumakain o umiinom ng kahit ano.
Sa una, nagsisinungaling pa siya sa mga magulang at sinasabing kumain na siya kahit hindi naman. Sa kalaunan, inamin din niya ang sitwasyon.
At dahil hindi siya kumakain o umiinom, hindi na niya kailangang magbanyo, maliban na lamang kung maliligo.
Dahil sa kanyang kondisyon, sumailalim siya sa iba’t ibang medical tests sa Ethiopia. Lumabas sa findings ng mga doktor sa isang ospital sa Addis Ababa na walang laman ang kanyang mga bituka.
Maging ang prime minister ng Ethiopia ay ipinadala si Muluwork sa Dubai para sa karagdagang pagsusuri, ngunit ayon sa babae, wala talaga silang nakitang mali sa kanya.
Bagama’t walang pumapasok na sustansiya sa katawan, maayos ang kalusugan ni Muluwork. Nananatili siyang malakas at nagagampanan ang pang-araw araw niyang gawain bilang ina at asawa.
Thankful naman si Muluwork sa kanyang kakaibang kondisyon. Aniya, ipinagkaloob ito sa kanya ng Diyos at maluwag niya itong tinatanggap.
Gaya ng inaasahan, hati ang opinyon ng mga netizen sa kwento ni Muluwork. Marami ang naniniwala, marami rin ang nagdududa.
Ayon nga sa isang vlogger, posibleng isa siyang superhuman—o kaya naman ay “super liar”.