Hinatulan na ng kamatayan ang isang lalaki sa Islamabad, Pakistan dahil sa pag-torture, paghalay at pagpugot sa girlfriend nito matapos tanggihan ang alok na kasal.
Kinilala ang suspek na Pakistani-American na si Zahir Jaffer, 30 anyos na miyembro ng isang mayamang pamilya habang natukoy ang biktimang si Noor Mukadam, 27 anyos, na anak ng isang dating ambassador.
Ayon sa Islamabad Police, isang taon mula nang tanggihan ni Mukadam ang alok na kasal ni Jaffer ay naging marahas na ito.
Bagaman ilang beses na sinubukan ng biktima na tumakas ay nahaharang ito ng mga tauhan ng suspek.
Samantala, binigyan ng sentensiyang kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti si Jaffer habang makukulong ng 10 taon ang dalawang staff nito. —sa panulat ni Mara Valle