Patay ang isang 31-anyos na babae na limang araw nang naghihintay ng bus sa Pasay City na pauwi sana ng Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Michelle Silvertino na umano’y nag-aasikaso ng kaniyang mga dokumento papuntang Saudi Arabia.
Batay sa ulat ng Pasay City Police, madaling araw ng ika-5 ng Hunyo nang makita ng isang concerned citizen si Ailvertino na nahihirapan sa paghinga at nilalagnat.
Ipinabatid din ng concerned citizen na siya ay unang dumulog sa Barangay 159 ngunit tumanggi umano silang rumesponde.
Dahil dito, ang mga pulis na rumesponde ang siyang nagdala kay Silvertino sa ospital kung saan siya binawian na rin ng buhay.
Isinailalim na rin si Silvertino sa swab test at inilagay sa kaniyang death certificate na probable coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Ngunit ayon sa kaibigan ng biktima, matagal nang may sakit sa baga si si Silvertino dahilan umano para maantala ang proseso ng pagtatrabaho sa ibayong dagat nito.