Inirekomenda ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapa-deport sa babaeng Chinese national na nagwala at nanakit sa mga traffic enforcers sa Makati City noong nakaraang linggo.
Ayon kay Immigration acting spokesperson Melvin Mabulac, agad nagpadala ng tauhan ang kanilang Intelligence Division sa Makati Police para kumuha ng mga impormasyon sa insidente at sa Chinese na si Dong Li.
Sinabi ni Mabulac, nabatid na turista lamang ang status ng Chinese national na hindi pa rin nito naa-update.
Aniya, inirekomenda na ng kanilang legal division ang pagsasampa ng deportation case laban kay Dong Li habang pinag-aaralan din ang mga karagdagan pang kasong maaaring ihain dahil sa pagiging overstaying at undesirable foreigner.
Una na ring sinampahan ng reklamong physical injury, direct assault at disobedience to persons in authority ng Makati City Police ang babaeng Chinese.