Sa edad na 19, nagsimulang magtipid ang Japanese na si Saki Tamogami.
Ang kanyang goal? Makabili ng tatlong bahay! Sa edad na 34, natupad ang layunin niyang ito at nakapagpagawa pa siya ng isang shelter para sa mga pusa!
Ayon kay Saki, nakararamdam siya ng kasiyahan tuwing nakikitang lumalaki ang kanyang ipon. Kaya nang nagsimula siyang magtrabaho bilang assistant ng isang property agent, tiniyak niyang walang sentimong masasayang mula sa kanyang sahod.
Upang makatipid, nagluluto lamang sa bahay si Saki, at kung kakain man siya sa labas, dapat mayroon itong discount.
Naglalaan lamang siya ng 200 yen o halos P78 kada araw para sa kanyang pagkain. Ang madalas niyang kinakain ay tinapay, noodles, at labanos.
Tumigil na rin si Saki sa pagbili ng mga bagong damit simula noong 19-anyos siya. Kuntento na umano siya sa mga pinaglumaan ng kanyang kamag-anak. Maging ang kanyang mga kagamitan sa bahay ay pinaglumaan at itinapon na rin ng ibang tao.
Naging mabunga naman ang pagtitipid niya dahil sa edad na 27, nabili niya ang kanyang pinakaunang bahay sa halagang P3.9 million. Pinarentahan niya ito, gayundin ang kanyang ikalawang bahay.
Pagsapit ng 2019, nakabili na siya ng ikatlong bahay kung saan niya itinayo ang isang cat café na nagsisilbi ring shelter ng mga pusa.
Pagbabahagi ni Saki, nais niyang mag-rescue ng mga pusa dahil noong bata siya, tinulungan siya nito tuwing nalulungkot.
Habang marami ang humahanga sa dedikasyon ni Saki, may ilan ding nag-aalala sa mga panganib na maidudulot ng kanyang kakaibang paraan ng pamumuhay. Gayunman, hindi maikakailang nagbibigay siya ng inspirasyon na posibleng maabot ang ating mga pangarap, basta’t sasamahan ito ng disiplina at pagsisikap.