Noong 2005, nakaranas ng stroke ang noo’y 30-anyos na si Ann Johnson. Nagdulot ito sa kanya ng pagkaparalisa.
Sa kasamaang-palad, nawala rin ang boses niya dahil dito.
Ngunit makalipas ang 18 years, “nakapagsalita” muli si Ann sa pamamagitan ng artificial intelligence (AI).
Isang implant ang inilagay sa ibabaw ng utak ni Ann, sa regions na may kaugnayan sa pagsasalita at wika. Mayroon itong 253 electrodes na sumasalo sa brain signals mula sa libu-libong neurons.
Mayroon ding in-install na port sa ulo ni Ann na nakakonekta sa isang kable. Ang kableng ito ang nagdadala ng brain signals sa isang computer.
Gumagamit naman ang computer ng AI algorithms upang i-translate ang brain signals sa sentences, na siya namang binibigkas ng isang digital avatar.
Nako-convert din ng teknolohiya ang brain signals sa facial movements, kaya nagpapakita ng emosyon ang avatar. Maging ang boses niya, kuhang-kuha nito dahil ginamit ng researchers ang voice recording ni Ann bago ma-stroke.
Ayon kay Dr. Edward Chang, chair ng neurological surgery ng University of California San Francisco na nagsagawa ng operasyon ni Ann, 150-200 words per minute ang natural rate ng speech; may kalapitan na sa 80 words per minute ng kanilang teknolohiya.
Mas mabilis at accurate ang ganitong sistema, kumpara sa mga nakaraang teknolohiya na katulad nito.
Sa panig naman ni Ann, bumuhos ang kanyang emosyon nang marinig muli ang kanyang sariling boses. Hangad niya, magamit ang teknolohiyang ito upang maging counselor.
Ipinakita ng kwentong ito ni Ann na may kakayahang magbigay ng bagong buhay at pag-asa sa mga taong lubos na nangangailangan ang pagsusulong sa siyensya at teknolohiya.