Isang babae, nakaramdam ng ginhawa at gumanda ang kalusugan matapos sumailalim sa pig kidney transplant.
Ang buong kwento, alamin.
Taong 1999 nang i-donate ng 53 - anyos na si Towana Looney ang kaniyang kidney sa kaniyang ina upang iligtas ito, ngunit matapos noon ay siya naman ang nakaranas ng kidney failure dahil sa na-develop na kondisyon habang siya ay nagbubuntis na siyang nakaapekto sa kaniyang kidney.
Makalipas ang ilang taon ay kinailangang sumailalim ni Towana sa dialysis upang tanggalin ang mga karagdagang fluid at waste na dumadaloy sa kaniyang dugo.
Ilang buwan lang ang dumaan ay napabilang si Towana sa waiting list ng mga taong kinakailangang sumailalim sa kidney transplant, ngunit walong taon ang hinintay niya upang makahanap ng organ na magma-match sa kaniya.
Gayunpaman, matapos ang ilang taon na paghihintay, naisagawa rin ang transplant ni Towana ngunit ang organ na ipinalit sa kaniya ay kidney ng isang baboy.
Ang isinagawang surgery kay Towana ay tinatawag na xeno-transplantation na kung saan ang taong sumasailalim dito ay tatanggap ng organ o tissue mula sa isang hayop.
Samantala, isang buwan matapos ang operasyon ay nasa maayos na kalagayan na si Towana at sinabi pa niya sa isang pahayag na pakiramdam daw niya ay nabigyan siya ng isa pang pagkakataon na mabuhay dahil sa isinagawang transplant.
Bago si Towana ay mayroon nang mga naunang sumailalim sa pig kidney transplant at nito lamang Mayo ay pumanaw ang pinakaunang recipient ng genetically-edited pig kidney na si Richard Slayman matapos lamang ang dalawang buwan. Habang ang ikalawang taong sumailalim sa pig kidney transplant na si Lisa Pisano naman ay pumanaw din 74 na araw makalipas ang operasyon.
Sa kasalukuyan, si Towana ang ikatlong sumailalim sa pig kidney transplant at kasalukuyang nag-iisang tao na nabubuhay na mayroong pig organ.
Ikaw, anong masasabi mo sa kakaibang medical procedure na ito?