Ang isang babae na hinahanap ang kaniyang tunay na pamilya, literal na natagpuan ito sa kaniyang mga kaibigan!
Ang buong kwento, alamin.
Sa isang pambihirang pagkakataon, natagpuan ng trentay sais anyos na si Cassandra Madison ang kaniyang mga kapatid na siyang nagsimula lamang sa isang haka-haka.
Habang nagtatrabaho sa isang restaurant sa Connecticut noong 2013 ay nakilala ni Cassandra ang kaniyang naging matalik na kaibigan na si Julia Tinetti.
Makalipas ang ilang taon ng pagkakaibigan, 2021 nang nadiskubre ng dalawa na sila pala ay siblings by blood! Hindi rin naman maipagkakaila ang koneksyon ni Cassandra at Julia dahil sa malaking pagkakahawig nilang dalawa.
Pero hindi pa riyan nagtatapos ang journey ni Cassandra sa paghahanap sa kaniyang pamilya dahil makalipas ang ilang taon, kamakailan lang ay napag-alaman ng dalawa na mayroon pa pala silang kapatid na lalaki!
Sa isa nga namang mapaglarong tadhana, ito pala ay ang lalaki na nakilala ni Cassandra noong siya ay elementary pa lamang na si Thomas Buonaguirio na kaniya ring naging childhood friend!
Ang tatlo pala ay pare-parehong adopted mula sa Dominican Republic, ngunit ayon kay Madison ay hindi raw nag-match ang kani-kanilang adoption papers.
Ngunit makalipas ang ilang taon ay nakilala na rin ni Cassandra ang kaniyang tunay na ama na si Adriano Luna at doon nakumpirma na tunay nga silang magkapatid ni Julia.
Samantala, matapos magkaroon ng panandaliang pagkalito sa pagitan ng mag-aama dahil ayon kay Adriano ay wala siyang pinaampon na baby boy.
Pero matapos alalahanin ang kanilang nakaraan at pagtagpi-tagpiin ang kwento, sinabi ng magkapatid na panandaliang naghiwalay ang kanilang mga magulang at nagibangbayan kung saan niya ipinanganak si Thomas.
Gayunpaman, ayon kay Julia ay hindi rin daw malinaw sa kanila ang lahat dahil hindi pa nasasagot ang lahat ng mga tanong nila.
Ikaw, anong masasabi mo sa pambihirang kwento na ito?