Nitong Hulyo, idinaos ang pagtatapos ng mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP).
Katulad ng ibang nagsitapos, proud na ipinost ng umano’y UP graduate na si Princess Fernandez Neo ang mga larawan na kuha noong graduation niya kasama ang kanyang pamilya.
Ngunit napansin ng mga mapagmatyag na netizen na tila may kakaiba sa mga post ng babae.
Ayon sa caption ng kanyang profile picture, nagtapos si Neo bilang magna cum laude sa kursong Mass Communication Major in Journalism.
Pinabulaanan ito ng mismong UP College of Mass Communication na nagsabing wala silang naturang programa. Kinumpirma man nilang kinuha ang mga larawan sa UP Film Center, binigyang-diin nilang hindi pinapasok si Neo at ang mga kasama nito dahil hindi siya kabilang sa listahan ng graduates.
Dagdag pa rito, ibinahagi rin ng babae ang larawan ng kanyang diploma, sablay, at medalya, kabilang ang Gawad Oblation award na ibinibigay lamang sa mga alumni ng UP at mga kaibigan nito na nagpakita ng pambihirang serbisyo. Sa madaling salita, hindi ito iginagawad sa bagong graduates.
Dahil sa pamemekeng ito, agad siyang nakatanggap ng pambabatikos mula sa mga netizen.
Sa isang Threads post, humingi naman ng tawad si Neo sa paggamit ng pangalan ng UP.
Bagamat hindi tama ang kanyang ginawa at nararapat lamang siyang punahin, hindi maikakaila ang takot na naramdaman niya na madismaya ang kanyang pamilya. Ang takot at pressure na ito ang nagtulak sa kanyang gumawa ng mali. Sana’y magbigay ng aral ang kwentong ito hindi lamang sa mga anak, kundi sa mga magulang na nagbibigay sa kanila ng mataas na expectations.