Ipinagharap na ng mga kasong kriminal sa piskalya ang isang babae na nagpakalat ng fake news ukol sa umano’y kidnap attempt sa kanya sa Caloocan City.
Ayon kay NCRPO Acting Director Brig. Gen. Jonnel Estomo, nag-post sa social media ang suspek na si Samantha Pargad ukol sa sinasabing pangha-harass at tangkang pagdukot sa kanya ng isang lalaking nagpakilalang pulis sa Alma Jose Street, Barangay 177, Caloocan noong September 4, 2022.
Ngunit sa ikinasang imbestigasyon ng Caloocan PNP at base na rin sa pahayag ng mga testigo at CCTV footage ay natuklasan na ang rider at si Pargad ay magkakilala.
Kasabay nito, kinumpirma rin ni NPD Acting District Director Col. Rogelio Peñones na sinampahan na ng mga reklamong libel at unlawful means of publication si Pargad sa City Prosecutor’s Office.
Ayon kay Estomo, ang kaso ni Pargad ay magsisilbing aral at babala sa mga nagpapakalat ng maling balita na nagdudulot ng takot sa publiko.
Muli ring nagbabala si Estomo sa lahat na mag-ingat at maging responsable sa pagpo-post sa social media platforms.