Arestado ang isang babae matapos umanong magtangkang mandukot ng bata sa Barangay Old Balara, Quezon City.
Ayon kay QCPD-6 station commander, Lt. Col. Morgan Aguilar, nagpanggap ang babae na dati umanong kasambahay ng pamilya ng limang taong gulang na biktima.
Gayunman, itinanggi anya ng ina ng bata ang pahayag ng suspek.
Batay sa imbestigasyon, pumasok ang babae sa bahay makaraang maiwang bukas ng amain ng bata ang pinto upang bumili ng kape pasado ala-5 ng madaling araw noong linggo.
Naabutan anya ng amain ng bata ang babae kaya’t isinumbong sa Barangay.
Bagaman inamin ng suspek na nandudukot sila ng mga bata kapalit ng pera, agad namang binawi ng babae ang naturang pahayag.
Nahaharap na sa patong-patong na kaso ang suspek habang inaalam na kung mayroon itong mga kasabwat.