Kumilos na ang Department of Foreign Affairs o DFA para hanapin ang isang babaeng OFW na nagtatrabaho sa Kuwait na isa’t kalahating taon na umanong nawawala.
Nakilala ang Pinay na si Ronalyn Yonting Lawagan, isang household service worker.
Batay sa report na natanggap ng DFA, si Lawagan ay tumakas umano sa kaniyang employer at huli siyang nakausap ng kaniyang pamilya noon pang February 2017.
Sinabi ng DFA na April 2018 nang malaman nila ang pagkawala ni Lawagan matapos i-report ng recruitment agency sa embahada ng Pilipinas ang pagkawala ng nasabing OFW.
Tiniyak naman ni Charge de Affaires Mohammad Nordin Pendosina Lomondot ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Kuwait para mahanap ang Pinay na posibleng nasa Kuwait pa.
Iniikot na aniya nila ang mga kulungan at ospital sa Kuwait para mahanap si Lawagan.
—-