Umakyat na sa 101 ang bilang ng mga nasasawi dahil sa COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police o PNP .
Ito’y makaraang masawi ang 35 anyos na babaeng Police Corporal na nakatalaga sa Law Enforcement Division ng Directorate for Operations.
Batay sa impormasyon mula sa PNP Health Service, Agosto a-5 nang magpositibo ang naturang pulis sa COVID-19.
Subalit nasawi rin ito nitong Agosto 23 dahil sa hirap sa paghinga dulot ng virus na pinalala pa ng kaniyang sakit na pneumonia.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa pamilya ng nasawing pulis at tiniyak ang kaukulang tulong at suporta na ibibigay para sa mga naulila.
Sa kabuuan ay sumampa na sa 33,702 ang bilang ng mga tinamaan ng virus sa hanay ng PNP matapos madagdagan ng 129 na bagong kaso kung saan ay 17,787 dito ang aktibo.
Gayunman, nadagdagan naman ng 165 ang bilang ng mga gumaling sa sakit kaya’t sumampa na sa 31,814 ang total COVID-19 recoveries sa hanay ng Pambansang pulisya.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)