Isang babaeng pulis mula Davao Region at kanyang driver ang ikinulong dahil sa hinalang tinangka ng mga ito na iligtas ang nalalabing Abu Sayyaf members na tinutugis ng mga sundalo sa Bohol.
Tinangka ni Supt. Maria Christina Nobleza at Reenor Lou Dungon na lampasan ang police checkpoint dakong alas-8:00 ng gabi noong Sabado, kasabay ng pagtugis ng mga pulis at sundalo sa mga bandido na kalauna’y napatay sa bayan ng Clarin.
Ayon sa intelligence sources, si Nobleza ay Deputy Regional Chief ng PNP o Philippine National Police Crime Laboratory Region 11 at nagbabakasyon lamang umano sa Clarin nang maganap ang insidente.
Gayunman, hindi kinagat ng mga imbestigador ang alibi ng dalawa matapos madiskubre ang text message sa cellphone ni Nobleza na nagmula sa sinasabing ASG member.
Si Dungon naman ay bayaw ng isa sa mga ASG leader at may kasamang matandang babae at isang teenager nang dumating sa Clarin.