Isinalang na sa preliminary investigation ng Department of Justice o DOJ si Karen Aizha Hamidon, ang itinuturing na recruiter ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS at may kaugnayan din sa grupong Maute.
Nabigo namang makapagsumite ng counter affidavit si Hamidon dahil nilabag aniya ng National Bureau of Investigation o NBI ang kanyang karapatan para personal na makapagsulat ng kontra salaysay.
Walang ding kasamang abogado si Hamidon para mag-representa sa kanya sa pagdinig.
Samantala, humarap naman ang mga operatiba ng NBI Counter Terrorism Division at Personal na pinanumpaan ang kanilang complaint affidavit sa harap ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong.
Kasabay nito, nanindigan ang NBI na kanilang binigyan ng abogado mula sa Public Attorney’s Office o PAO si Hamidon nang kanilang isalang ito sa inquest proceeding
Iginiit din ng NBI na dapat kumuha na si Hamidon ng sariling abogado para naman sa mga susunod na regular preliminary investigation.
Muli namang itinakda ang susunod na pagdinig sa Nobyembre 6, kung saan inaasahang makapagsusumite na ng kontra salaysay si Hamidon.