Laking gulat ng isang babae sa Australia nang madiskubreng kasal na pala siya dahil may bisa pala ang wedding prank na ginawa ng kaniyang boyfriend.
Kung paano ito nangyari, alamin.
Taong 2023 nang magkakilala ang isang hindi pinangalanang magkasintahan sa isang dating application. Pagkalipas lamang ng tatlong buwan na pagkakakilala ay na-engage sila agad noong December 2023.
Pagkaraan ng dalawang araw ay naimbitahan ang magkasintahan sa isang event sa Sydney na kung saan ay required na magsuot ang mga dadalo ng kulay puting damit.
Ganon na lang ang gulat at galit ng babae nang tanging ang kaniyang boyfriend, isang photographer at kaibigan nito, at isang celebrant lang ang inabutan niya sa event.
Nang tanungin ang lalaki ay sinabi nito na hinanda niya raw ang lahat ng iyon para i-boost ang kaniyang content at ma-monetize ang kaniyang social media page sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang wedding prank.
Tinanggap ng babae ang paliwanag ng kaniyang boyfriend at naniwala rin siya na magkakaroon lang ng bisa ang civil wedding kung sa korte ito ginanap.
Sa huli, sinakyan ng babae ang prank at pagkalipas lang ng dalawang buwan ay nabunyag ang mga ginawa ng lalaki matapos nitong sabihin sa babae na gawin siyang dependant nito sa kaniyang permanent residency application.
Sinabi naman ng babae na hindi ito posible dahil hindi naman sila kasal ngunit doon na isiniwalat ng lalaki na totoo ang kanilang kasal at mayroon pang patunay na marriage certificate at notice of intended marriage na na-file, isang buwan bago sila na-engage.
Ayon naman sa lalaki, pumayag daw ang babae na pakasalan siya nito sa isang intimate ceremony sa Sydney, ngunit sinabi naman ng judge na ang paniniwala raw ng babae ay isa lamang itong prank at acting lamang ang kanilang ginawa.
Samantala, napawalan naman agad ng bisa ang kanilang kasal noong October 2024.
Ikaw, ano ang gagawin mo kapag ikaw ang nalagay sa ganitong setup?