Pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na maging mas mapagbantay sa mga religious place matapos looban ng grupo ng mga mandurukot ang isang babae sa loob ng Basilica Minore Del Santo Niño Church sa Cebu City.
Sa kuha ng video, taimtim na nagdadasal ang isang babae sa harap ng tirikian ng mga kandila nang biglang dumami ang mga tao sa paligid niya at dahan-dahan siyang pinalibutan.
Nang may isang ginang ang lumapit sa likod ng biktima at dahan-dahang dinukot sa bag ang gamit nito sinubukan pa niyang itago ang kilos sa pamamagitan ng pagtakip ng sumbrero sa kanyang braso.
Nang makuha nito ang pakay, kaagad itong umalis sa lugar na parang walang nangyari
Nagmamadali namang umalis ang tatlo sa mga umano’y kasabwat nito habang nagtitirik ng kandila ang tatlo nila pang kasama bago umalis.
Natangay ng mga ito ang cellphone ng biktima.
Iniimbestigahan na ng Waterfront Police Station ang insidente at tukoy na ang lima sa anim na suspek base sa kanilang mga naunang record.
Nabatid na ang mga suspek ay sangkot din sa aktibidad ng ilegal na droga.