Nilinaw ng Commission on Elections o COMELEC na hindi basta-basta maaaring okupahin ang babakentihing pwesto ni Senador Alan Peter Cayetano makaraang italaga ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Foreign Affairs Secretary.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, bagaman dapat bakantehin ni Cayetano ang kanyang pwesto sa Senado, hindi naman ito nangangahulugan na uupo bilang bagong senador ang 13th placer sa Senatorial Race noong May 2016 Elections.
Sa ilalim anya ng batas ay dapat mag-issue ang Senado o Kamara ng resolusyong mag-se-sertipika na bakante ang pwesto at magpapatawag ng special election.
Gayunman, pagsisilbihan lamang ng mahahalal namang senador o miyembro ng Kamara ang nalalabing termino ng aalis na mambabatas.
Magugunitang hindi nakapasok si dating MMDA Chairman Francis Tolentino na lumagpak sa 13th place ng Senatorial Race noong nakaraang halalan matapos maungusan ng noo’y Justice Secretary na si Leila De Lima na pumasok naman sa 12th spot.
By Drew Nacino