Nagbabala ang National Food Authority o NFA na posibleng sampung (10) araw na tuluyang mawala ang supply ng NFA rice kung hindi mabilis na makakaangkat ng pampuno sa kakulangan ng buffer stock ng NFA.
Ayon kay NFA Director Rex Estoperez, tuluyang mauubos ang natitira pang mahigit na isang (1) milyong kaban ng buffer stock ng NFA kapag hindi dumating sa tamang panahon ang aangkating bigas.
Sa Lunes aniya ay nakatakdang magpulong ang NFA Council na pinangungunahan ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco at mga economic managers ng administrsyon pang pag-usapan kung anong sistema ang gagawin sa pag-import ng bigas at kung saang bansa ito kukunin.
Sinabi ni Estoperez na bagamat mas mabilis kung government to government importation, masyado naman itong bukas sa katiwalian.
Gayunman, kung dadaanin naman aniya sa bidding ay posibleng mas matagal itong dumating at maabutan na ng tuluyang pagka-ubos ng NFA rice.
Una nang nagbigay ng go signal ang Pangulong Rodrigo Duterte para sa pag-import ng dalawandaan at limampung libong (250,000) metriko tonelada ng bigas.
—-