Duda si Energy Secretary Alfonso Cusi sa babala ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ninipis ang supply ng kuryente sa tag-init.
Ayon kay Cusi, inatasan niya ang Power Bureau ng kagawaran upang silipin ang issue at gumagawa na rin naman sila ng solusyon.
Iginiit ng kalihim na taun-taon naman na manipis ang power supply sa bansa lalo kung malapit na ang tag-init.
Bilang isang system at grid operator, batid naman na anya ng NGCP ang problema kaya’t inaasahan nilang gagawin nito ang kanilang responsibilidad na tiyaking sapat ang supply ng kuryente lalo sa May 9 elections.
Samantala, bukas naman si Cusi na marinig ang panig ng NGCP hinggil sa mga hakbang na kanilang inilatag upang masolusyonan at maiwasan ang power interruption.