Kuwestyonable para sa Armed Forces of the Philippines ang kredibilidad ni Dr. Rohan Gunaratna, hepe ng International Centre for Political Violence and Terrorism.
Kaugnay ito sa pahayag at babala ni Gunaratna na test run ng ISIS ang pagpapasabog sa Quiapo at posibleng masundan pa ito.
Ayon kay General Restituto Padilla, spokesman ng AFP, hindi nila kinakagat ang mga analysis ni Gunaratna dahil kabaliktaran ang mga ito ng tunay na nangyayari.
“Isa po sa hindi pinaka-credible yan si Gunaratna kasi karamihan ng nagiging analysis niya ay talagang contrary sa mga nagiging findings natin sa Pilipinas.”
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla
Iginiit ni Padilla na wala pang presensya ang ISIS sa bansa at kung kung meron mang naghahasik ng kaguluhan, ito ay mga tira-tirang miyembro ng Jemaah Islamiyah na pilit nagpapapansin para kilalanin ng ISIS.
Maliban dito, pinuna ni Padilla na iba ang trade mark ng ISIS sa mga nangyayari sa ngayon.
“Ito’y pagpipilit na sila ay makita, ma-recognize at makakuha ng ayuda sa mga grupong ito, yun pong bagay na naka-establish na ba sila dito, narito na ba talaga sila? Yan po talaga ay subject to debate dahil hindi po kami naniniwala na naka-establish sila sa mga ginagawa nating proactive measures, so pagsapilitan ang ating maihahambing sa mga grupong ito ay yung umaasa at sumasabay sa uso.” Pahayag ni Padilla
Foreign terrorists
Samantala, tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na hindi nakakakilos ang mga namonitor nilang teroristang banyaga na nasa bansa.
Ayon kay AFP Spokesman, General Restituto Padilla, proactive ang ginagawang hakbang ng militar kayat bago pa nila maisagawa kung anuman ang kanilang mga plano ay nahaharang na ito ng militar.
Hindi rin anya puwedeng iugnay sa mga pagpapasabog ang mga dayuhang terorista na matagal nang narito sa Pilipinas.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla