Nakatakdang palitan ni Major General Bartolome “Bob” Bacarro si SolCom Commander Lt. General Antonio Parlade Jr.
Ito ang inanunsyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang appointment paper ni Bacarro.
Ayon kay Lorenzana, opisyal na uupo bilang bagong commander si Bacarro sa Hulyo 26 kung saan nakatakda namang magretiro si Parlade.
Si Bacarro ay miyembro ng PMA Maringal class of 1988 at isang awardee ng medal of valor.
Nagbitiw si Bacarro sa pagiging commandant ng mga kadete sa PMA nuong 2019 matapos masawi si cadet 4th class Darwin Dormitorio.
Samantala, ipinabatid din ni Lorenzana na nagbitiw na rin si Parlade sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ilang linggo na ang nakalilipas.
Magugunitang nakatanggap ng pambabatikos mula sa iba’t ibang grupo at ilang mambabatas si Parlade dahil sa umano’y red tagging o pag-uugnay sa ilang indibidwal at grupo sa rebeldeng komunista.