Kinansela na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang back channel talks sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF na itinakda sana sa mga susunod na araw.
Ito, ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza, ay matapos ang pananambang ng mga miyembro ng NPA o New People’s Army sa convoy ng Presidential Security Group o PSG sa Arakan, Cotabato, kahapon.
Nasagad na anya ang pasensya ng gobyerno sa CPP dahil sa panibagong pag-atake kaya’t nawalan na ng gana upang isulong ang peace negotiations.
Nananatili ang utos ng Pangulo na suspendido ang 5th round ng peace talks sa National Democratic Front hangga’t walang naipapakitang pirmadong bilateral ceasefire.
Pag atake ng NPA sa PSG kinondena ng Malacanang
Kinondena ng Malacañang ang pag-atake ng New People’s Army sa Presidential Security Group sa Arakan, North Cotabato na ikinasugat ng apat na PSG personnel.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang ganitong aksyon ng rebeldeng komunista ang dahilan ng agam-agam ng gobyerno sa sinseridad ng National Democratic Front na nakikipag-usap sa government peace panel.
Magugunitang mismong si Pangulong Duterte ay nainis sa grupo ni Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison dahil iba ang sinasabi nito sa negotiating table sa ginagawa ng kanilang mga tauhan tulad ng pananambang sa mga tropa ng gobyerno, pag-atake, extortion activities at pangungulekta ng revolutionary tax sa mamamayan.
Gayunman, hindi masabi ni Abella kung magkakaroon ng epekto sa peace talks ang ginawang pag-atake sa miyembro ng P.S.G. kaya’t hintayin na lamang anya ang payo at direktiba ni Pangulong Duterte sa issue.
By Drew Nacino
Back channel talks sa CPP-NPA-NDF kinansela ng Pangulo was last modified: July 20th, 2017 by DWIZ 882