Nilinaw ng Department of Trade and Industry na tanging mga business enterprise na rehistrado sa Philippine Economic Zone authority o peza ang dapat nang magbalik sa onsite operations.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, ang mga hindi naman rehistrado sa PEZA ay mas flexible sa work-from-home (WFH) arrangements na akma sa kanilang operasyon.
Inihayag ito ni Lopez sa gitna ng mga panawagan ng mga Business Process Outsourcing (BPO) worker at firm na palawigin ang work-from-home at remote work set-up.
Karamihan sa mga BPO ay PEZA-registered at mayroong tax perks para sa exportation ng kanilang mga serbisyo.
Dahil anya sa COVID-19 pandemic, pansamantalang pinayagan ng fiscal incentive review board ang hanggang 90% na WFH arrangement hanggang March 31 para sa PEZA registered businesses.
Gayunman, ipinag-utos ng gobyerno na dagdagan ang on-site operations sa iba pang sektor, lalo sa micro, small and medium enterpises sa gitna ng patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases upang makabangon ang ekonomiya.