Nabawasan na ang backlog sa issuance ng driver’s license.
Ayon kay Land Transportation Office chief Jose Arturo “Jay Art” Tugade, bumaba na sa 92,000 ang backlog sa lisensya hanggang nitong Nobyembre kumpara sa 300,000 noong Agosto.
Ang mabagal anyang issuance ng driver’s license ang laging problema ng mga motorista kaya’t doble-kayod na ang LTO upang masolusyunan ito.
Isa sa mga dahila ng backlog ang depektibong laser engraving machines sa ilang LTO District at Extension offices.
Sa ngayon ay kinukumpuni lamang ang mga dispalinghadong makina dahil wala pang budget para makabili ng bago nito.
Samantala, hinimok ni Tugade ang mga motorista na huwag nang pupunta sa mga LTO branch na may depektibong laser engraving machine upang maiwasan ang abala sa pagkuha ng lisensya.