Posibleng umabot sa anim na milyon ang housing backlog sa taong 2022 mula sa kasalukuyang isa punto dalawang milyon.
Ito ang ibinabala ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon makaraang tapyasan ng Department of Budget and Management sa panukalang 2018 national budget ang pondo ng National Housing Authority o N.H.A.
Mula sa 15.3 Billion Pesos ngayong 2017, ibinaba ng D.B.M. sa 4.5 Billion Pesos ang budget ng N.H.A. para sa susunod na taon o 70 percent reduction para sa ahensyang nag-se-serbisyo sa pinaka-mahirap na sektor ng lipunan.
Ayon kay Drilon, ang nasabing hakbang ay maituturing na “criminal neglect” lalo’t maraming mahirap na Filipino ang naghahangad na magkaroon ng bahay at mahalagang papel ang ginagampanan ng housing sector sa lipunan.
Iginiit naman ni Drilon na sa halip na tapyasan o dagdagan ay dapat panatilihin ang kasalukuyang budget level para sa N.H.A. at maaari namang humugot ng karagdagang pondo o “unproductive portions” sa intelligence funds na aabot sa 3.7 Billion Pesos sa susunod na taon.