Tinutugunan na ng DFA o Department of Foreign Affairs ang isyu ng backlog sa passports.
Tiniyak ito sa DWIZ ni DFA Spokesman Assistant Secretary Charles Jose kaya nga’t pinalalawig nila ang validity ng mga papa-expire na pasaporte.
Bahagi ng panayam kay Asec. Jose
Isinisi naman sa naluma nang teknolohiya at mga makina ang backlog sa pag-isyu ng pasaporte.
Ayon kay Undersecretary Charles Jose, marami na sa mga makina ang sirain at hindi na rin kayang habulin ng kasalukuyang teknolohiya ang dami ng prinoprosesong pasaporte.
Inamin ni Jose na inaabot na ngayon ng 45 araw ang dati rati ay dalawang linggo bago ma-release ang pasaporte.
Sinabi ni Jose na ang delay sa pagpapalabas ng mga pasaporte ay bahagi na rin ng transition para sa pagpapalit nila ng teknolohiya at mga makina sa susunod na taon.
“Kaya nga po starting next year ay gagamit na tayo ng bagong e-passport technology system, part na po ‘yan ng transition na ‘yan and dahil luma na din yung mga machines na ginagamit natin.” Ani Jose.
Ipinaliwanag ni Jose na bibigyan ng prayoridad sa pagre-release ng pasaport ang mga matindi ang pangangailangang makaalis agad ng bansa.
Tinukoy ni Jose ang mga OFW na mayroon nang kontrata, magpapagamot sa ibayong dagat at iba pang emergency.
Maliban sa bukas na ang DFA kahit weekends at nagdagdag na rin sila ng tauhan, ini-eextend na rin ang validity ng pasaporte ng hanggang dalawang taon.
“Mga 40,000 po ‘yung hinahabol naming backlog, may mga instances po na nagbibigay ng prority tulad po ng mga OFW kung may mga signed and valid contracts na po sila and plane ticket, for medical reasons po kung magpapagamot po kayo sa abroad, and finally kung meron kayong kamag-anak na namatay sa abroad at kailangan niyong puntahan, let’s say mag-eexpire na ‘yung passport niyo, mag-aapply po kayo for a new passport, and at the same time, ‘yung mag-eexpire niyong passport ay ie-extend and validity.” Pahayag ni Jose.
By Judith Larino | Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit