Malapit nang ganap na payagan ang backriding o pag-aangkas sa motorsiklo sa mga lugar na nasa ilalim ng quarantine protocols.
Ito ang inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque sa kanyang pagharap sa Laging Handa press briefing.
Ayon kay Roque, pinapayagan na “in principle” na ang pag-angkas sa motorsiklo pero kinakailangan pang hintayin ang babalangkasing guidelines ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 Response hinggil dito.
Sinabi ni Roque, inaatasan na ang Departments of Transportation (DOTr), Science and Technology (DOST), at Health (DOH) kasama ang MMDA at Bureau of Philippine Standards ng DTI para pagpulungan ang usapin.
Kabilang aniya sa kanilang tatalakayin ang mga mabibisang pamamaraan para matiyak na mapipigilan ang posibilidad ng pagkahawa ng virus sa pagitan ng driver at angkas ng motorsiklo.