Isinailalim na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Bacolod City at buong Lanao Del Sur simula ngayong araw hanggang ika-30 ng Setyembre.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque, matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo duterte ang resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases hinggil dito.
Una rito, inirekomenda ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Garlvez sa kanilang pulong kay Pangulong Duterte ang pagpapatupad ng MECQ sa Bacolod at Lanao Del Sur dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Galvez, mismong sina lanao Del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. at Bacolod City Mayor Evelio Leonardia ang humiling na maisalalim ang kanilang mga nasasakupan sa MECQ.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na umabot sa 462 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa Bacolod City sa nakalipas lamang na apat na araw.