Pinasisibak sa pwesto ng minorya sa kamara si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy dahil sa umano’y “red tagging”.
Inakusahan kasi ni Badoy sa social media na umano’y matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang mga kinatawan ng Makabayan Bloc na miyembro rin ng minorya.
Sa budget deliberation ng PCOO, binasa ni minority Leader Bienvenido Abante ang manifesto na pirmado ng 18 miyembro ng minorya sa kamara kung saan inihihirit ang pagsibak kay Badoy dahil umano’y sa hindi akma nitong pag-uugali bilang isang civil servant.
Nakasaad din dito ang pagpapaalis ng PCOO sa lahat ng kawani nito sa social media na bumabastos sa mga miyembro ng kamara.
Inihirit din ng mga ito ang paghingi ng tawad ng PCOO dahil sa grave misconduct laban sa mga kongresista.
Kaugnay nito, nanindigan naman ang PCOO na personal at pribadong post ito ni Badoy sa kaniyang social media.