Umabot ang kakulangan sa budget ng bansa sa 179.8 bilyong piso nitong Setyembre na bahagyang mas mababa kaysa sa 180.9 bilyong pisong deficit noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Ayon sa Bureau of Treasury, lumiit ang budget gap habang lumaki ang revenue ng 24.79% noong Setyembre at nalampasan ang 13.63% na spending growth.
Dahil dito, naging 1.01 trilyong piso na ang cumulative fiscal deficit mula sa buwan ng Enero hanggang Setyembre na mas mababa sa 1.14 trilyong piso na deficit noong 2021 sa kaparehong panahon.
Umakyat naman ang expenditures sa 3.67 trilyong piso mula sa 3.38 trilyong piso.
Lumobo naman ang budget deficit noong pandemic dahil sa pagkakaantala ng operasyon ng ilang negosyo na humantong sa pagbaba ng government revenues.
Samantala, umaasa ang mga economic managers na sa muling pagbubukas ng ekonomiya ay makakaahon at muling tataas ang revenues ng bansa. – sa panulat ni Hannah Oledan