Nangako ang liderato ng Philippine National Police (PNP) na walang magiging whitewash at magiging patas ang kanilang isasagawang imbestigasyon.
Ito’y laban sa isang bagitong Pulis na inireklamo ng rape o panggagahasa sa isang dalagita sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigan ng Laguna.
Kinilala ni PNP Spokesman, P/Col. Roderick Alba ang suspek na si Pat. John Mari Lontok na nakatalaga rin sa Sta. Maria Municipal Police Station.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, dumating si Lontok sa bahay ng biktima kahapon, December 26 kung saan ay nakipag-inuman ito.
Nakaramdam ng antok ang biktima na dahilan kaya siya nakatulog, subalit laking-gulat na lamang nang magising siyang wala na ang kaniyang pang-ibaba at isinasagawa na ng pulis ang panghahalay.
Sinubukan pang itulak ng biktima ang suspek na pulis at humingi ng tulong, subalit wala na siyang nagawa matapos pagbantaang papatayin.
Agad umalis ang suspek, subalit naiwan naman nito sa kama ng biktima ang kaniyang service firearm na kargado ng mga bala kaya’t nagpasya ang biktimang magsumbong na sa mga kabaro nito
Wala nang nagawa pa si Lontok nang tugisin ng kaniyang mga kabaro at ngayo’y nasa kustodiya na ng Sta. Maria Police kung saan siya kinasuhan ng criminal.
Habang iniimbestigahan ng Internal Affairs Service o IAS para sa posibleng kasong administratibong isampa laban sa kaniya.
Pagtitiyak naman ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, sisikapin nilang maging patas sa ginagawang pagsisiyasat at tiniyak na mapananagot si Lontok sakaling mapatunayan ang kaniyang ginawang kahalayan.