Ikinakasa na ng DOTr o Department of Transporation ang pagdaragdag ng isa pang bagon sa kada tren na tumatakbo sa MRT o Metro Rail Transit Line 3.
Ayon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez, plano nilang gawing apat mula sa dating bagon ang bawat tumatakbong tren upang mabawasan na ang mahabang pila ng mga pasahero araw-araw.
Sa pamamagitan nito ani Chavez, tataas sa isanlibo apatnaraan at limampung (1,450) mga pasahero ang maisasakay sa bawat tren ng MRT ngunit pananatilihin nila sa apat na minuto ang waiting time sa pagdating ng tren.
Una rito, sinabi ni Chavez na nasa proseso na sila ng pag-terminate sa kontrata ng service provider na BURI o Busan Universal Rail Incorporated dahil sa kabiguan nitong tuparin ang mga isinasaad sa kanilang kontrata sa pamahalaan.