Kailangang palakasin pa ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang kampaniyan laban sa CPP-NPA at iba pang mga armadong grupo bago tuluyang bumaba sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang unang atas ng bagong upong AFP Chief of Staff na si Lt/Gen. Andres Centino sa lahat ang Major Service at Area Commanders ng AFP sa unang command conference nila nitong weekend.
Giit ni Centino, ito ang mahigpit na atas sa kanilang lahat ni Pangulong Duterte na kailangan nilang matupad sa loob ng nalalabing 7 buwan sa pwesto ng Pangulo.
Bagaman kuntento naman si Centino bilang Commanding General din ng Philippine Army sa mga hakbang ng AFP laban sa mga komunista, kailangan lang nilang gawin sa ngayon ay panatilihin o mas higitan pa sa mga susunod na araw.
Para magtagumpay ang kanilang hangaring mapulbos nang tuluyan ang mga komunsita, sinabi ni Centino na kailangan nilang gawing prayoridad sa ngayon ang “Operational Efficiency” sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa kakayahan at kapabilidad ng mga Sundalo.