Itinalaga ni Pangulong Noynoy Aquino si Philippine Army Commanding General Hernando Iriberri bilang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Si Iriberri ay tubong Surigao del Sur at produkto ng PMA Class 1983 at dating aide ni Defense Secretary Voltaire Gazmin.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Iriberri si Pangulong Noynoy Aquino para sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanya.
Ayon kay Iriberri, limang bagay ang tututukan ng AFP sa ilalim ng kanyang pamumuno, ito ay ang tiyakin ang kapayapaan sa bansa, pagiging kaisa ng pagbabago, pagpapatupad ng batas at pagpapatuloy ng tuwid na daan.
Kasabay nito, binanggit din ni Iriberri ang kahalagahan ng paghahanda para sa 2016 elections.
Matatandaang hinamon ni Pangulong Noynoy Aquino ang bagong talagang hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Lt. General Hernando Iriberri na tiyakin ang mapayapang halalan sa 2016.
Ito ang kauna-unahang marching order ni Pangulong Aquino kay Iriberri sa ginanap na change of command sa Kampo Aguinaldo kahapon.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulong Aquino na malapit na ang eleksyon at kasama sa tungkulin ng bagong AFP Chief na siguruhing maging mapayapa at malinis ang pagpili ng mga botante sa susunod na lider ng bansa.
Ipinagmalaki ng Pangulo na maganda ang track record ng bagong hepe ng AFP kung saan naging mapayapa ang halalan sa Abra noong 2013 na kilalang election hotspot.
Bukod dito, wala umanong naging casualty sa mga military operations kapag si Iriberri ang nagmamando o pinuno ng grupo.
West Philippine Sea
Samantala, tikom ang bibig ng bagong talagang AFP Chief na si Lt. Gen. Hernando Iriberri sa isyu ng West Philippine Sea.
Ayon kay Iriberri, mas mabuti kung hihintayin na lamang ang magiging resulta ng arbitral hearing sa The Hague, Netherlands.
Sinabi ni irIberri na kung anuman ang kahihinatnan ng arbitration case ng Pilipinas, mahigpit na ipatutupad ng Sandatahang Lakas ang national policies na isa sa limang prayoridad sa kanilang liderato.
Samantala, tumanggi ring magbigay ng komento ang bagong pinuno ng AFP kaugnay sa mga namataang steel marker sa bahagi ng reed bank na una ng itinanggi ng AFP na walang nakitang marker sa lugar.
By Ralph Obina | Meann Tanbio