Itinurn-over na sa Philippine Air Force ang kauna-unahan nitong Ground-Based Air Defense System (GBADS) at bagong C-295 Medium-Lift Aircraft.
Personal itong sinaksihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga, kahapon.
Ayon kay PAF Spokesperson, Col. Ma. Consuelo Castillo, ang GBADS, na binili mula Israel ay bahagi ng Horizon 2 ng AFP Modernization Program na makadaragdag sa Integrated Air Defense System na isa sa pangunahing sistema ng Air Force.
Binubuo ito ng Spyder Air Defense System na armado ng mga short at medium range missiles bilang proteksyon laban sa aerial threats tulad ng combat aircraft, attack helicopter, unmanned air vehicles, incoming missiles, guided munition at rockets.
Maaari din itong gamitin upang i-neutralize ang Aerial Surveillance Threats at matitiyak na maipagtatanggol ang teritoryo partikular ang mahahalagang ground assets laban sa mga kalaban.
Makatutulong naman ang C-295 Medium Lift Aircraft, na binili mula Spain, upang mapalakas ang kakayahan ng Airforce na protektahan ang mga teritoryo ng bansa.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang Israel at Spain sa pagtulong sa kanyang administrasyon na palakasin ang defense capabilities upang protektahan ang soberanya ng Pilipinas.