Nakatakdang ianunsyo ng pamahalaan ang bagong Alert Level status sa National Capital Region (NCR) at ilan pang lugar sa bansa, bukas Pebrero a-28.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, bago nila ito anunsyo ay kailangang aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Maliban dito, pagtitibayin din bukas ang ginagawang draft ng the Inter-Agency Task Force (IATF) para sa mga papayagang aktibidad sa ilalim ng Alert Level 1.
Sa oras na mapagtibay na ang guidelines, si Presidential Spokesperson Karlo Nograles na ang magpapaabot nito sa publiko sa pamamagitan ng regular na Laging Handa briefing.
Una nang inihayag ni Nograles na bago ibaba sa Alert Level ang isang lugar basta’t naabot na ang mga sumusunod na criteria.
- Dapat nasa low hanggang minimal risk classification na sa COVID-19
- Mas mababa na sa limampung porsyento ang kabuuang bed utilization rate
- Fully vaccinated na ang pitumpung porsyento sa target population nito
- At fully vaccinated na ang nasa walumpung porsyento ng residente nitong nasa Priority Group A2 o senior citizen. —sa panulat ni Abie Aliño-Angeles