Lumitaw ang isang bagong armadong grupo na nananawagan sa Maute-ISIS group na lisanin ang Marawi City at pakawalan lahat ng kanilang bihag, Muslim man o Kristiyano.
Sa kanilang i-pinost na online video, sinabi ng nagpakilalang Meranaw Victims Movement o MVM na binubuo ang kanilang grupo ng mga armadong Maranao evacuees mula Marawi City at may malalim na relasyon sa mga nasawing sibilyan sa nagpapatuloy na bakbakan sa lungsod.
Layunin anila ng grupo ang ipaglaban ang karapatan at dignidad ng mga Bangsa Meranaw na nilugmok ng naganap na krisis.
Iginiit ng MVM ang pagpapanagot sa mga Maute terror group at lahat ng dati at kasalukuyang mga opisyal ng Marawi City dahil sa kabiguang mapigilan ang pagkubkob ng mga terorista sa lungsod.
Hiniling din ng MVM sa pamahalaan na hayaan nang bumalik ang mga residente ng Marawi City sa mga bahagi ng lungsod na nalinis na ng militar.
Kailangan din aniya matiyak ang pagbibigay ng patas na pinasyal na tulong sa mga naapektuhang sibilyan tulad nang sa mga militar.
Sakali aniyang hindi mapakinggan ang kanilang mga kahilingan ay nakahanda ang grupo na maglunsad ng jihad o giyera.
—-