Handang makipagtulungan sa Pangulong Rodrigo Duterte at Kongreso ang Alyansa Tigil Mina para makalikha ng bagong batas sa pagmimina.
Ayon kay Jaybee Garganera, Coordinator ng Alyansa Tigil Mina, ikinalugod nila na binigyang pansin ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address o SONA ang mga problema sa pagmimina sa bansa.
Nakahanda rin anya silang magbigay ng mga kongkretong rekomendasyon upang makabuo ng isang katanggap tanggap na batas sa pagmimina ang Kongreso.
Tama rin aniya na dapat mas mataas ang buwis ng mga minahan kumpara sa ibang mga kumpanya dahil nakakasira sila ng kalikasan.
Gayunman, bilang paunang hakbang pinayuhan ni Garganera ang Pangulo na aksyunan na ang kaso ng mga sinuspindi at pinasarang minahan ni dating DENR o Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez na nasa tanggapan ng Presidente.
“Merong puwedeng gawin ang Presidente talaga, halimbawa i-confirm niya halimbawa yung suspension orders kase nakaapela pa yan sa opisina ng Pangulo, tama po ang panawagan ng Pangulo, ang malaking isyu kasi ay dahil yung kasalukuyang batas natin sa pagmimina yan ang may malaking kakulangan o conflict kaya ganyan ang sitwasyon ngayon.” Ani Garganera
Samantala, nananatiling diskumpiyado ang Alyansa Tigil Mina sa kakayahan at kaalaman ni DENR Secretary Roy Cimatu na ipatupad ang batas sa pagmimina.
Pinuna ni Garganera na tila mas interesado si Cimatu na kausapin ang mga mining companies kaysa sa mga environmental groups na nakakaalam ng paglabag na ginagawa ng mga minahan.
“Palagay namin kulang pa at marami pang puwedeng i-improve si Secretary Cimatu para maging mahusay na DENR Secretary, kahit na nga po sa publiko, yung mag-public statement po siya, ang na-monitor po namin ay ayaw nang makipag-usap sa mga environmental group pero andaming inikot na mga minahan in the last 2 weeks.” Pahayag ni Garganera
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Photo Credit: Bobby Lagsa via Alyansa Tigil Mina