Nakatakdang dumaong bukas, Agosto 20, 2019 sa punong tanggapan ng Phiippine Navy sa Maynila ang bagong biling barko ng Pilipinas mula sa Jonhae (Chinhey) Naval Base sa South Korea matapos ang ilang araw na paglalayag.
Ganap na alas 2:00 ng hapon, bibigyan ng arrival honors ang lahat ng mga opisyal ng bagong barko na naglayag patungong South Korea sa pamumuno ni Navy Capt. Marco Buena, kasama ang halos 100 opisyal at tripulante ng BRP Conrado Yap.
Ayon kay LtCmdr. Maria Christina Roxas, acting director ng Naval Public Affairs Office, kasabay na dadaong ng BRP Conrado Yap ang BRP Davao del Sur na kasama naman sa isinagawang ‘Russian Navy Da’y sa Vladivostok noong buwang Hulyo.
Sumailalim sa 13 linggong operational at warfare training ang navy para sa bagong biling barko na isang dating Pohang-Class Covette na may kakayahan bilang anti-warfare, anti-surface at anti-submarine warfare.
Una rito, ipinagmalaki ng Department of National Defense na malaking tulong ang bagong barkong ito ng Philippine Navy para sa pagpapatrulya sa territorial waters ng bansa kabilang na ang West Philippine Sea.